Isaias 33:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nakakaawa kayong mga nangwawasak na hindi pa nakaranas ng pagkawasak. Nakakaawa kayo, kayong mga taksil, na hindi pa napagtataksilan. Kapag natapos na ang inyong pangwawasak at pagtataksil, kayo naman ang wawasakin at pagtataksilan.

2. Panginoon, kaawaan nʼyo po kami. Nagtitiwala kami sa inyo. Palakasin nʼyo kami araw-araw, at iligtas sa panahon ng kaguluhan.

3. Tumatakas ang mga tao sa dagundong ng inyong tinig. Kapag kayoʼy tumayo para magparusa, nagsisipangalat ang mga bansa.

4. Sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, at matutulad sila sa halamang sinalakay ng balang.

5. Ang Panginoon ay dakila sa lahat! Siyaʼy naninirahan sa langit. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa Jerusalem.

6. Siya ang magpapatatag sa inyo. Iingatan niya kayo at bibigyan ng karunungan at kaalaman. At ang mahalagang kayamanan ninyo ay ang pagkatakot sa Panginoon.

7. Makinig kayo! Ang matatapang nʼyong mamamayan ay humihingi ng saklolo sa mga lansangan. Ang inyong mga sugo para sa kapayapaan ay umiiyak sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan.

Isaias 33