3. Pero mabibigo lamang sila sa hinihingi nilang proteksyon sa Faraon.
4. Sapagkat kahit na namumuno ang Faraon hanggang sa Zoan at Hanes,
5. mapapahiya lang ang Juda dahil wala namang maitutulong ang mga taga-Egipto sa kanila kundi kabiguan at kahihiyan.”
6. Ito ang pahayag ng Dios tungkol sa mga hayop sa Negev: Nilakbay ng mga taga-Juda ang ilang na mahirap lakbayin kung saan may mga leon, at may mga makamandag na ahas na ang ibaʼy parang lumilipad. Ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, para iregalo sa bansang hindi man lang makatulong sa kanila.
7. Ang bansang iyon ay ang Egipto, na ang tulong ay walang silbi. Kaya tinatawag ko itong “Dragon na Inutil.”
8. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Halika, isulat mo sa aklat ang paratang ko laban sa mga taga-Israel, para lagi itong magsilbing patunay ng kasamaan nila sa darating na panahon.
9. Sapagkat mga rebelde sila, sinungaling, at ayaw makinig sa mga aral ko.
10. Sinabi nila sa mga propeta, ‘Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa mga pahayag ng Dios sa inyo. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tama. Sabihin nʼyo sa amin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin at mga pangitain na hindi mangyayari.
11. Umalis kayo sa aming dinadaanan, huwag ninyo kaming harangan. Huwag na ninyong sabihin sa amin ang tungkol sa Banal na Dios ng Israel.’ ”
12. Kaya sinabi ng Banal na Dios ng Israel, “Dahil sa itinakwil ninyo ang aking mensahe at nagtiwala kayo sa pang-aapi at pandaraya,
13. bigla kayong malilipol. Ang inyong mga kasalanan ay katulad ng bitak na biglang wawasak ng mataas na pader.
14. Madudurog kayo na parang palayok, na sa lakas ng pagbagsak ay wala man lang kahit kapirasong mapaglagyan ng baga o maipansalok ng tubig.”
15. Sinabi pa ng Panginoong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, “Magbalik-loob kayo sa akin at pumanatag, dahil ililigtas ko kayo. Huwag kayong mabahala kundi magtiwala sa akin, dahil palalakasin ko kayo. Pero tumanggi kayo
16. at sinabi ninyo, ‘Makakatakas kami sa aming mga kaaway, dahil mabibilis ang aming mga kabayo.’ Oo nga, makakatakas kayo pero mas mabibilis ang mga hahabol sa inyo.
17. Sa banta ng isa, 1,000 sundalo ang makakatakas sa inyo. Sa banta ng lima, makakatakas kayong lahat. Matutulad kayo sa nakatayong bandila na nag-iisa sa tuktok ng bundok.”
18. Pero naghihintay ang Panginoon na kayoʼy lumapit sa kanya para kaawaan niya. Nakahanda siyang ipadama sa inyo ang kanyang pagmamalasakit. Sapagkat ang Panginoon ay Dios na makatarungan, at mapalad ang nagtitiwala sa kanya.