Isaias 30:22-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Ituring na ninyong marumi ang inyong mga dios-diosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, “Ayaw ko nang makita kayo!”

23. Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan.

24. Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop.

25. Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok.

26. Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng mga mamamayan niya.

27. Makinig kayo! Dumarating ang Panginoon mula sa malayo. Nag-aapoy siya sa galit at nasa gitna ng usok. Ang mga labi niyang nanginginig sa galit ay parang nagliliyab na apoy.

28. Ang kanyang hininga ay parang malakas na agos na umaabot hanggang leeg. Nililipol niya ang mga bansa na parang sinasalang trigo. Para silang mga hayop na nilagyan ng bokado at hinila.

29. Pero kayong mga mamamayan ng Dios ay aawit, katulad ng ginagawa ninyo sa gabi ng pista ng pagpaparangal sa Panginoon. Magagalak kayo katulad ng taong nagmamartsa sa tunog ng plauta habang naglalakad patungo sa Bundok ng Panginoon para sambahin siya, ang Bato na kanlungan ng Israel.

30. Ipaparinig ng Panginoon ang nakakapangilabot niyang tinig. At ipapakita niya ang kanyang kamay na handa nang magparusa sa tindi ng kanyang galit. Sasabayan ito ng nagliliyab na apoy, biglang pagbuhos ng ulan, pagkulog at pagkidlat, at pag-ulan ng yelo na parang mga bato.

Isaias 30