13. Nakahanda na ang Panginoon para hatulan ang kanyang mga mamamayan.
14. Hahatulan niya ang mga tagapamahala at mga pinuno ng mga mamamayan niya. Ito ang paratang niya sa kanila, “Sinira ninyo ang aking ubasan na siyang aking mga mamamayan. Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay na sinamsam ninyo sa mga mahihirap.
15. Bakit ninyo inaapi ang mga mamamayan ko at ginigipit ang mga mahihirap?” Iyan ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
16. Sinabi pa ng Panginoon, “Mayayabang ang mga babae sa Jerusalem. Akala mo kung sino sila kung maglakad. Pinakakalansing pa nila ang mga alahas sa mga paa nila, at kapag tumitingin sila ay may kasama pang kindat.
17. Kaya patutubuan ko ng mga galis ang mga ulo nila at makakalbo sila.”
18. Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg.
19. Kukunin din sa kanila ang kanilang mga hikaw, pulseras, belo,
20. turban, alahas sa braso, sinturon, pabango at mga anting-anting.
21. Kukunin pati ang kanilang mga singsing sa daliri at ilong,
22. ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa, mga balabal, mga pitaka,
23. mga salamin, mga damit na telang linen, mga putong, at mga belo.
24. Kung dati silang mabango, babaho sila. Lubid ang isisinturon nila, at kakalbuhin ang magaganda nilang buhok. Ang magagara nilang damit ay papalitan ng sako, at mawawala ang kanilang kagandahan.
25. Mamamatay sa digmaan ang mga lalaki ng Jerusalem kahit na ang matatapang nilang mga kawal.
26. May mga iyakan at pagluluksa sa mga pintuan ng bayan. At ang lungsod ay matutulad sa babaeng nakalupasay sa lupa, na nawalan ng lahat ng ari-arian.