Isaias 29:13-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong itoʼy nagpupuri at nagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, pero ang puso nilaʼy malayo sa akin. At ang pagsamba nila sa akin ay ayon lamang sa tuntunin ng tao.

14. Kaya muli akong gagawa ng sunud-sunod na kababalaghan sa mga taong ito. At mawawala ang karunungan ng marurunong at ang pang-unawa ng nakakaunawa.”

15. Nakakaawa kayong mga nagtatago ng inyong mga plano sa Panginoon. Ginagawa ninyo ang inyong mga gawain sa dilim at sinasabi ninyo, “Walang makakakita o makakaalam ng ginagawa natin.”

16. Baluktot ang pag-iisip ninyo. Itinuturing ninyong parang palayok ang gumagawa ng palayok. Masasabi ba ng palayok sa gumawa sa kanya, “Hindi naman ikaw ang gumawa sa akin”? Masasabi ba ng palayok sa humugis sa kanya, “Wala kang nalalaman”?

17. Hindi magtatagal, ang kagubatan ng Lebanon ay magiging matabang lupain, at ang matabang lupain ay magiging kagubatan.

18. Sa araw na iyon, ang bingi ay makakarinig ng binabasang aklat. At ang bulag, na walang nakikita kundi kadiliman ay makakakita na.

19. Muling sasaya ang mga mapagpakumbaba at mga dukha dahil sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.

20. Sapagkat mawawala ang mga malulupit at ang mga nangungutya. At mamamatay ang lahat ng mahilig sa pagkakasala,

21. pati na ang lahat ng naninira ng kapwa, ang mga nagsisinungaling para mapaniwala nila ang mga hukom, at ang mga pekeng saksi para hindi mabigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan.

22. Kaya ang Panginoon, ang Dios na nagligtas kay Abraham ay nagsabi tungkol sa lahi ni Jacob, “Mula ngayon, wala na silang dapat ikahiya o ikatakot man.

23. Sapagkat kapag nakita nila ang mga ginawa ko sa kanila, igagalang nila ako, ang Banal na Dios ni Jacob. At magkakaroon sila ng takot sa akin, ang Dios ng Israel.

24. Ang mga hindi nakakaunawa ng katotohanan ay makakaunawa na, at ang mga nagrereklamo kapag tinuturuan ay matutuwa na.”

Isaias 29