Isaias 28:7-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Pero ngayon, pasuray-suray ang mga pari at mga propeta, at wala na sa tamang pag-iisip. Mali ang pagkakaunawa ng mga propeta sa mga pangitain, at hindi tama ang mga desisyon ng mga pari.

8. Ang mga mesa nilaʼy puno ng mga suka nila at walang parteng malinis.

9. Dumadaing sila at sinasabi, “Ano bang palagay niya sa atin, mga batang kaaawat pa lamang sa pagsuso? Bakit ganyan ang tinuturo niya sa atin?

10. Tingnan mo kung magturo siya; paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin.”

11. Dahil sa ayaw nilang makinig, makikipag-usap ang Panginoon sa mga taong ito sa pamamagitan ng mga dayuhang iba ang wika.

12. Ito ang sasabihin niya, “Mararanasan ninyo ang kapahingahan sa inyong lupain.” Pero ayaw pa rin nilang makinig.

13. Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon ng paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin. At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila, masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.

14. Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno ng mga mamamayan ng Jerusalem, pakinggan ninyo ang Panginoon!

15. Sapagkat nagmamalaki kayo at nagsasabing, “Nakipagkasundo kami sa kamatayan para hindi kami mamatay, at nakipagkasundo kami sa lugar ng mga patay para hindi kami madala roon. Kung kaya, hindi kami mapapahamak kahit na dumating ang mga sakuna na parang baha, dahil sa kami ay umaasang maliligtas sa pamamagitan ng aming pagsisinungaling at pandaraya.”

16. Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Makinig kayo! Maglalagay ako ng batong pundasyon sa Zion, batong maaasahan, matibay, at mahalaga. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay huwag maging padalos-dalos sa kanilang mga ginagawa.

Isaias 28