3. Tinapak-tapakan niya ang Samaria, ang koronang bulaklak na karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel.
4. Ang lungsod na ito ay nasa matabang lambak, pero ang kagandahan nito ay mawawala katulad ng bulaklak na nalalanta. Malalagas agad ito katulad ng unang mga bunga ng igos na kinukuha at kinakain agad ng bawat makakita.
5. Sa araw na iyon, ang Panginoong Makapangyarihan ay magiging tulad ng magandang koronang bulaklak para sa nalalabi niyang mga mamamayan.
6. Bibigyan niya ng hangarin ang mga hukom na pairalin ang katarungan. At bibigyan niya ng tapang ang mga tagapagbantay ng lungsod laban sa mga kaaway.
7. Pero ngayon, pasuray-suray ang mga pari at mga propeta, at wala na sa tamang pag-iisip. Mali ang pagkakaunawa ng mga propeta sa mga pangitain, at hindi tama ang mga desisyon ng mga pari.
8. Ang mga mesa nilaʼy puno ng mga suka nila at walang parteng malinis.
9. Dumadaing sila at sinasabi, “Ano bang palagay niya sa atin, mga batang kaaawat pa lamang sa pagsuso? Bakit ganyan ang tinuturo niya sa atin?
10. Tingnan mo kung magturo siya; paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin.”
11. Dahil sa ayaw nilang makinig, makikipag-usap ang Panginoon sa mga taong ito sa pamamagitan ng mga dayuhang iba ang wika.
12. Ito ang sasabihin niya, “Mararanasan ninyo ang kapahingahan sa inyong lupain.” Pero ayaw pa rin nilang makinig.
13. Kung kaya, tuturuan sila ng Panginoon ng paisa-isang letra, paisa-isang linya, at paisa-isang aralin. At sa paglalakad nilaʼy mabubuwal sila, masusugatan, mabibitag, at mahuhuli.
14. Kaya kayong mga nangungutyang mga pinuno ng mga mamamayan ng Jerusalem, pakinggan ninyo ang Panginoon!