Isaias 26:10-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasama,hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid.Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid,patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama,at hindi nila kinikilala ang inyong kapangyarihan.

11. Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila,pero hindi nila alam.Ipaalam nʼyo sa kanila, Panginoon.Ilagay nʼyo po sila sa kahihiyan. Ipakita nʼyo sa kanila kung gaano nʼyo kamahal ang iyong mga mamamayan.Lipulin nʼyo po sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.

12. Panginoon, ilagay nʼyo po kami sa mabuting kalagayan,sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.

13. Panginoon na aming Dios,pinamahalaan kami ng ibang panginoon,pero kayo lang ang aming sinasamba.

14. Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa.Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.

15. Panginoon, pinalawak nʼyo ang aming bansa.Pinalapad nʼyo ang aming mga hangganan,at itoʼy nagbigay ng karangalan sa inyo.

16. Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan,at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.

17. Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap.Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.

18. Dumaing kami dahil sa hirap, pero wala rin kaming iniluwal.Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain namin,at hindi rin namin nalipol ang mga taong kaaway namin dito sa mundo.

19. Pero muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay.Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak.Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa,kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.

20. Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan.Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.

Isaias 26