Isaias 24:16-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Maririnig ang awitan kahit saang dako ng mundo, “Purihin ang matuwid na Dios.”Pero nakakaawa ako. Akoʼy nanghihina! Sapagkat patuloy ang pagtataksil ng mga taong taksil.

17. Kayong mga mamamayan ng mga bansa sa buong mundo, naghihintay sa inyo ang takot, hukay, at bitag.

18. Ang tumatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay at mabibitag ang mga lumalabas dito.Uulan nang malakas at mayayanig ang pundasyon ng lupa.

19. Bibitak ang lupa at mabibiyak.

20. At magpapasuray-suray ito na parang lasing at parang kubong gumagalaw-galaw sa ihip ng hangin. Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan, at mawawasak ito at hindi na muling makakabangon.

21. Sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon ang mga makapangyarihang nilalang sa langit, pati ang mga hari rito sa mundo.

22. Sama-sama silang ihuhulog sa hukay na katulad ng mga bilanggo. Ikukulong sila at saka parurusahan.

23. Magdidilim ang araw at ang buwan dahil maghahari ang Panginoong Makapangyarihan sa Bundok ng Zion, sa Jerusalem. At doon mahahayag ang kanyang kapangyarihan sa harap ng mga tagapamahala ng kanyang mga mamamayan.

Isaias 24