Isaias 24:1-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo hanggang sa hindi na ito mapakinabangan at pangangalatin niya ang mga mamamayan nito.

2. Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang.

3. Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.

4. Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang tao.

5. Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Dios at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Dios sa kanila.

6. Kaya isusumpa ng Dios ang mundo, at mananagot ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang mga kasalanan. Susunugin sila at iilan lang ang matitira.

7. Malalanta ang mga ubas, at mauubos ang katas nito. Ang mga nagsasaya ay malulungkot,

8. at hindi na maririnig ang magagandang tugtugan ng mga tamburin at alpa, at ang hiyawan ng mga taong nagdiriwang.

9. Mawawala ang awitan sa kanilang pag-iinuman, at ang inumin ay magiging mapait.

10. Mawawasak ang lungsod at hindi na mapapakinabangan. Sasarhan ang mga pintuan ng bawat bahay para walang makapasok.

11. Sisigaw ang mga tao sa lansangan, na naghahanap ng alak. Ang kanilang kaligayahan ay papalitan ng kalungkutan. Wala nang kasayahan sa mundo.

12. Ang lungsod ay mananatiling wasak, pati ang mga pintuan nito.

13. Iilan na lamang ang matitirang tao sa lahat ng bansa sa mundo, tulad ng olibo o ubas pagkatapos ng pitasan.

14. Ang mga matitirang tao ay sisigaw sa kaligayahan. Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon.

15. Kaya nararapat ding purihin ng mga tao sa silangan at ng mga lugar na malapit sa dagat ang Panginoon, ang Dios ng Israel.

Isaias 24