Isaias 2:6-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan.

7. Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila.

8. Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa.

9. Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.

10. Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan.

11. Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas.

12. Sapagkat nagtakda ang Panginoong Makapangyarihan ng araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan.

13. Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan.

14. Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol,

15. at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader.

16. Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarshish at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat.

17. Ibabagsak nga niya ang mayayabang at mga mapagmataas. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon.

Isaias 2