Isaias 19:3-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista.

4. Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.

5. Matutuyo ang Ilog ng Nilo.

6. Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib,

7. ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito.

8. Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo,

9. at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen.

10. Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.

11. Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon, pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”

12. Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto.

13. Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis. Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila.

Isaias 19