Isaias 19:13-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis. Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila.

14. Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka.

15. Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.

16. Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan.

17. Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.

18. Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo. Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.

19. Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito.

20. Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila.

21. Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon.

Isaias 19