Isaias 14:22-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia. Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito. Walang matitira sa kanilang mga lahi.

23. Gagawin ko itong ilang, na may maraming latian, at gigibain ko na parang winalisan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

24. Nanumpa ang Panginoong Makapangyarihan at sinabi, “Mangyayari ang plano ko; matutupad ang desisyon ko.

25. Lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa lupain ng Israel. Dudurugin ko sila sa aking mga bundok. Hindi na nila maaaring alipinin ang mga mamamayan ko.

26. Ito ang binabalak kong gawin sa buong mundo. Ganito ang parusang ipapakita ko sa lahat ng bansa.”

27. Sino ang makakapagbago ng plano ng Panginoong Makapangyarihan? Sino ang makakapigil sa kanyang pagpaparusa?

28. Ang mensaheng itoʼy sinabi ng Dios noong namatay si Haring Ahaz:

29. Mga Filisteo, huwag muna kayong magalak sa pagkamatay ng haring sumalakay sa inyo. Sapagkat ang anak niyang papalit ay mas mabagsik kaysa sa kanya, parang isang ahas na namatay pero nagkaanak ng mas makamandag na ahas na tila lumilipad.

30. Ang mga mahihirap kong mamamayan ay pakakainin ko at bibigyan ng kapahingahan nang walang anumang kinatatakutan. Pero pababayaan kong mamatay sa gutom ang mga lahi mo, at ang matitira sa kanila ay papatayin ko pa rin.

31. Umiyak kayo nang malakas, kayong mga mamamayan ng mga bayan ng Filistia. Sapagkat sasalakay sa inyo ang inyong mga kaaway na parang usok mula sa hilaga at silaʼy pawang matatapang.

32. Ano ang isasagot natin sa mga sugo ng bansang iyon? Sabihin natin sa kanila na ang Panginoon ang nagtayo ng Zion, at dito manganganlong ang nahihirapan niyang mga mamamayan.

Isaias 14