Isaias 14:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Kaaawaan ng Panginoon ang Israel at muli niyang pipiliin bilang mga mamamayan niya. Muli niyang patitirahin ang mga ito sa sarili nilang lupain, at may mga dayuhang maninirahang kasama nila.

2. Tutulungan ng ibang bansa ang Israel para makabalik sila sa lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. At magiging alipin nila roon ang mga dayuhan. Bibihagin nila ang mga bumihag sa kanila noon, at sasakupin nila ang mga umapi sa kanila.

3. Mga Israelita, sa araw na pagpapahingahin kayo ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin,

4. kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:“Bumagsak na ang mapang-aping hari. Tapos na ang kanyang pagpapahirap.

5. Winakasan na ng Panginoon ang kapangyarihan ng masasamang pinuno,

6. na sa galit nilaʼy walang tigil ang pagpapahirap nila sa mga tao, at matindi kung umusig ng mga bansa.

7. Sa wakas ay magiging payapa na rin ang buong mundo. At mag-aawitan ang mga tao sa tuwa.

8. Magagalak pati ang mga puno ng sipres at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para silang tao na nagsasabi, ‘Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.’

9. “Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na silang salubungin ka. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka.

10. Sasabihin nilang lahat sa iyo, ‘Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo.

Isaias 14