Hukom 9:4-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Binigyan nila si Abimelec ng 70 pirasong pilak mula sa templo ni Baal Berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa para sumunod sila sa kanya.

5. Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang 70 kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Pero ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito.

6. Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet Millo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.

7. Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Dios.

8. Isasalaysay ko sa inyo ang isang kwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’

9. Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’

10. “At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’

11. Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!’

12. “Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’

13. Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’

14. “Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’

15. Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Pero kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”

16. At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya?

17. Alalahanin nʼyo na nakipaglaban ang aking ama para iligtas kayo sa mga Midianita. Itinaya niya ang buhay niya para sa inyo.

18. Pero ngayon, kinalaban nʼyo ang pamilya ng aking ama. Pinatay nʼyo ang 70 anak niya sa ibabaw lang ng isang bato. At ginawa nʼyong hari si Abimelec, na anak ng aking ama sa alipin niyang babae, dahil kamag-anak nʼyo siya.

19. Kaya kung para sa inyo, tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo.

20. Pero kung hindi, matupok sana kayo ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy. At kayo na mga taga-Shekem at taga-Bet Millo ay tutupukin din ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy.”

21. At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.

22. Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita,

Hukom 9