37. Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”
38. Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”
39. Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec.
40. Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.
41. Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.
42. Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem.
43. Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob.
44. Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran.
45. Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.
46. Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit na napapalibutan ng pader.
47. Nang malaman ito ni Abimelec,
48. dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan.
49. Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae.