27. Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec.
28. Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor.
29. Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”
30. Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit.
31. Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo.
32. Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod.
33. Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.”
34. Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem.
35. Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob.
36. Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.”
37. Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”