Hukom 9:21-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.

22. Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita,

23. pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec.

24. Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon.

25. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.

26. Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem.

27. Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec.

28. Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor.

29. Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”

Hukom 9