Hukom 8:18-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. At tinanong ni Gideon sina Zeba at Zalmuna, “Ano ba ang itsura ng mga lalaking pinatay nʼyo sa Tabor?” Sumagot sila, “Katulad mo na parang mga anak ng hari.”

19. Sinabi ni Gideon, “Mga kapatid ko sila; mga anak mismo ng aking ina. Nangangako ako sa buhay na Panginoon na hindi ko kayo papatayin kung hindi nʼyo sila pinatay.”

20. Pagkatapos, sinabi niya sa panganay niyang anak na si Jeter, “Patayin sila!” Pero dahil bata pa si Jeter, natakot siya, kaya hindi niya binunot ang kanyang espada.

21. Sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi na lang ikaw ang pumatay sa amin? Kung tunay kang lalaki, ikaw na ang pumatay sa amin.” Kaya pinatay sila ni Gideon at kinuha niya ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.

22. Sinabi ng mga Israelita kay Gideon, “Dahil ikaw ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na lang at ang mga angkan mo ang mamuno sa amin.”

23. Sumagot si Gideon, “Hindi ako o ang mga angkan ko ang mamumuno sa inyo kundi ang Panginoon.

24. Pero may hihilingin ako sa inyo: maaari bang ang bawat isa sa inyo ay magbigay sa akin ng mga hikaw na nasamsam nʼyo sa mga Midianita?” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita ayon sa kanilang nakaugalian bilang mga Ishmaelita.)

25. Sumagot ang mga tao, “Oo, bibigyan ka namin.” Naglatag sila ng isang damit at naglagay ang bawat isa roon ng hikaw mula sa nasamsam nila sa mga Midianita.

Hukom 8