1. Ngayon, tinanong ng mga taga-Efraim si Gideon, “Bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Midianita?” Nakipagtalo sila nang matindi kay Gideon.
2. Pero sumagot si Gideon sa kanila, “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo. Kahit ang maliit na ginawa nʼyo ay higit pa kung ikukumpara sa lahat ng nagawa ng pamilya namin.
3. Hinayaan ng Dios na matalo nʼyo ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara roon?” Nang masabi ito ni Gideon, huminahon na sila.
4. Pagkatapos, tumawid si Gideon at ang 300 tauhan niya sa Ilog ng Jordan. Kahit pagod na pagod na, patuloy pa rin nilang hinabol ang mga kalaban nila.
5. Nang makarating sila sa Sucot, humiling si Gideon sa mga taga-roon. Sinabi niya, “Pahingi po ng pagkain. Pagod na pagod at gutom na gutom na kami, hahabulin pa namin ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna.”
6. Pero sumagot ang mga opisyal ng Sucot, “Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.”
7. Sinabi ni Gideon, “Kung ganoon, kapag ibinigay na sa amin ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna, paghahahampasin ko ang katawan nʼyo ng matitinik na sanga!”
8. Mula roon, umahon sina Gideon sa Penuel at ganoon din ang hiniling niya sa mga taga-roon, pero ang sagot nila ay katulad din ng sagot ng mga taga-Sucot.