Hukom 7:19-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Maghahatinggabi na nang dumating si Gideon at ang 100 niyang kasama sa hangganan ng kampo ng kalaban, kapapalit lang ng guwardya noon. Pinatunog nina Gideon ang mga trumpeta nila at pinagbabasag ang kanilang mga banga.

20. Ganoon din ang ginawa ng ibang grupo. At habang hawak nila ang ilaw sa kaliwang kamay at ang trumpeta sa kanang kamay, sumisigaw sila, “Lumaban tayo gamit ang ating espada para sa Panginoon at kay Gideon.”

21. Ang bawat isa ay pumwesto sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, pero ang mga kalaban nila ay nagsisisigaw na nagsitakas.

22. Habang tumutunog ang trumpeta ng 300 Israelita, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Midianita sa loob ng kampo. Ang iba ay tumakas papunta sa Bet Shita malapit sa Zerera hanggang sa Abel Mehola malapit sa Tabat.

23. Ipinatawag ni Gideon ang mga Israelita mula sa lahi nina Naftali, Asher at sa buong lahi ni Manase, at ipinahabol sa kanila ang mga Midianita.

24. Nagsugo rin si Gideon ng mga mensahero para sabihin sa mga naninirahan sa kabundukan ng Efraim na magbantay sila sa Ilog ng Jordan hanggang sa sapa ng Bet Bara para hindi makatawid ang mga Midianita roon. Sinunod ito ng lahat ng lalaki sa Efraim, at binantayan nila ang Ilog ng Jordan hanggang sa sapa ng Bet Bara.

Hukom 7