Hukom 7:10-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Kung natatakot kang lumusob, isama mo ang lingkod mong si Pura at pumunta kayo sa kampo ng mga Midianita,

11. at pakinggan nʼyo kung ano ang sinasabi nila. Tiyak na lalakas ang loob mong lumusob dahil sa maririnig mo.” Kaya pumunta silang dalawa sa hangganan ng kampo ng mga Midianita, kung saan may mga sundalong nagbabantay.

12. Nagkampo sa lambak ang mga Midianita, Amalekita at ang iba pang mga tao sa silangan na parang kasindami ng balang. Ang mga kamelyo nila ay parang buhangin sa dagat na hindi mabilang.

13. Nang naroon na sina Gideon, may narinig silang dalawang tao na nag-uusap. Sinabi ng isa, “Nanaginip ako na may isang pirasong tinapay na sebada na gumulong papunta sa kampo natin at tumama ito nang malakas sa isang tolda. Pagkatapos, natumba ang tolda at nawasak.”

14. Sumagot ang isa, “Ang panaginip moʼy walang iba kundi ang espada ni Gideon, ang Israelitang anak ni Joash. Pagtatagumpayin siya ng Dios laban sa mga Midianita at sa ating lahat.”

15. Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, nagpuri siya sa Panginoon. At bumalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi niya sa kanyang mga kasamahan, “Magsipaghanda kayo dahil pagtatagumpayin tayo ng Panginoon laban sa mga Midianita.”

16. Hinati niya sa tatlong grupo ang 300 niyang tauhan, at binigyan ang bawat isa ng trumpeta at mga banga na may ilaw sa loob nito.

Hukom 7