1. Nang araw na iyon na silaʼy nanalo, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:
2. Purihin ang Panginoon! Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.
3. Makinig kayong mga hari at mga pinuno!Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel!
4. O Panginoon, nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.
5. Nayanig ang mga bundok sa harapan nʼyo, O Panginoon. Kayo ang Dios ng Israel na nagpahayag ng inyong sarili sa Bundok ng Sinai.
6. Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat at nang panahon ni Jael, walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan sa mga liku-likong daan.
7. Walang nagnanais tumira sa Israel, hanggang sa dumating ka, Debora, na kinikilalang ina ng Israel.
8. Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong dios, dumating sa kanila ang digmaan.Pero sa 40,000 Israelita ay wala ni isang may pananggalang o sibat man.
9. Nagagalak ang aking puso sa mga pinuno ng Israel at sa mga Israelita na masayang nagbigay ng kanilang sarili.Purihin ang Panginoon!
10. Kayong mayayaman na nakasakay sa mga puting asno at nakaupo sa magagandang upuan nito,at kayong mga mahihirap na naglalakad lang, makinig kayo!
11. Pakinggan nʼyo ang mga salaysay ng mga tao sa paligid ng mga balon.Isinasalaysay nila ang mga pagtatagumpay ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo sa Israel.Pagkatapos, nagmartsa ang mga mamamayan ng Panginoon sa may pintuan ng lungsod na nagsasabi,
12. “Tayo na Debora, lumakad tayo habang umaawit ng mga papuri sa Dios.Tayo na Barak na anak ni Abinoam, hulihin mo ang iyong mga bibihagin.”
13. Ang mga natirang buhay na mga mamamayan ng Panginoon ay kasama kong bumaba para lusubin ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.
14. Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim – ang lupaing pagmamay-ari noon ng mga Amalekita – at ang ibaʼy mula sa lahi ni Benjamin.Sumama rin sa pakikipaglaban ang mga kapitan ng mga kawal ng Makir at ang lahi ni Zebulun.