1. Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon.
2. Kaya hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim.
3. May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon.
4. Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot.
5. Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.
6. Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor.
7. Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
8. Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”
9. Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh.
10. Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.
11. Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw ni Moises.
12. Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor.