7. Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashera.
8. Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan Rishataim ng Aram Naharaim. Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.
9. Pero nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon, binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb.
10. Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon, at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan Rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon.
11. Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.
12. Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab.
13. Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.
14. Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.
15. Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel.
16. Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit.
17. Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao.
18. Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis.
19. Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya.
20. Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari,
21. binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari,
22. at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.
23. Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto.
24. Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari,