Hukom 3:20-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari,

21. binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari,

22. at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.

23. Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto.

24. Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari,

25. kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.

26. Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira.

27. Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud.

28. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao.

29. Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila.

30. Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.

Hukom 3