Hukom 20:13-22-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Ngayon, isuko nʼyo sa amin ang masasamang taga-Gibea na gumawa nito, at papatayin namin sila, at nang mawala ang kasamaang ito sa Israel.” Pero hindi pinansin ng mga taga-Benjamin ang mga kapwa nila Israelita.

14. Sa halip, lumabas sila sa mga bayan nila at nagtipon sa Gibea para makipaglaban sa mga kapwa nila Israelita.

15. Nang araw na iyon, nakapagtipon ang mga taga-Benjamin ng 26,000 na sundalo hindi pa kasama rito ang 700 piling sundalo na taga-Gibea.

16. Kabilang sa mga piling sundalo na taga-Gibea ang 700 tao na ito na puro kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador kahit hibla ng buhok.

17. Ang mga Israelita naman, maliban sa angkan ni Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 sundalong mahuhusay sa pakikipaglaban.

18. Bago makipaglaban, pumunta muna ang mga Israelita sa Betel at nagtanong sa Dios kung aling lahi ang unang lulusob sa mga taga-Benjamin. At ayon sa Panginoon, ang lahi ni Juda.

19. Kaya nang sumunod na araw, maagang nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibea.

20. At pumunta sila sa Gibea. Pagdating doon, pumwesto na ang mga Israelita para makipaglaban sa lahi ni Benjamin.

21. Naglabasan ang mga taga-Benjamin sa Gibea para lusubin sila. At sa araw na iyon, 22,000 Israelita ang napatay ng mga taga-Benjamin.

22-23. Umahon muli ang mga Israelita sa Betel at umiyak doon hanggang gabi. Tinanong nila ang Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, muli kayong makipaglaban.”Kaya pinalakas nila ang kanilang loob at muli silang pumwesto sa dating lugar noong unang araw silang lumusob.

Hukom 20