11. Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal.
12. Itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sinunod nila at sinamba ang ibaʼt ibang dios ng mga tao sa paligid nila. Nagalit ang Panginoon,
13. dahil itinakwil siya ng mga ito at naglingkod kay Baal at kay Ashtoret.
14. Dahil sa galit ng Panginoon sa Israel, pinabayaan niyang lusubin sila ng mga tulisan para samsamin ang kanilang mga ari-arian. Pinabayaan din sila ng Panginoon na matalo ng mga kaaway nila sa paligid at hindi na nila makayanang ipagtanggol ang kanilang sarili.
15. Kapag nakikipaglaban sila, pinapatalo sila ng Panginoon, tulad ng sinabi niya. Kaya labis silang nahirapan.
16. Ngayon, binigyan ng Panginoon ang Israel ng mga pinuno na magliligtas sa kanila mula sa mga tulisan.
17. Pero hindi nila pinansin ang kanilang mga pinuno. Sa halip, tumalikod sila sa Panginoon at sumamba sa ibang mga dios. Hindi sila katulad ng kanilang mga ninuno. Napakadali nilang tumalikod sa mga utos ng Dios na sinunod noon ng mga ninuno nila.
18. Ang lahat na pinunong ibinigay ng Panginoon sa kanila ay tinulungan niya. At habang buhay ang pinuno nila, inililigtas sila ng Panginoon sa kanilang mga kaaway. Sapagkat naaawa siya sa kanila dahil sa mga pagtitiis nila sa mga nanggigipit at nagpapahirap sa kanila.