1. Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Bokim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita, ito ang ipinapasabi ng Panginoon: “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo.
2. Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito kundi gibain nʼyo ang mga altar nila. Pero ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod!
3. Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging parang tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga dios nila ay magiging parang bitag sa inyo.”
4. Nang marinig ito ng mga Israelita, humagulgol sila.
5. Kaya tinawag nilang Bokim ang lugar na iyon. At doon sila naghandog sa Panginoon.
6. Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis sila upang angkinin ang lupain na nakalaan para sa kanila.
7. At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel.
8. Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110.
9. Inilibing siya sa kanyang lupain doon sa Timnat Heres, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.
10. Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang Panginoon, maging ang mga ginawa niya para sa Israel.