8. Kinaumagahan, nakahanda na silang umalis, pero sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamayang hapon na lang kayo umalis.” Kaya kumain muna sila.
9. Nang aalis na ang Levita, ang asawa niya, at ang kanyang utusan, sinabi ng ama ng babae, “Hapon na at maya-maya ay madilim na. Mabuti pa rito na lang kayo muling matulog. Magsaya muna kayo rito at maaga na lang kayo umalis bukas.”
12. Sumagot ang Levita, “Hindi maaari na dito tayo matulog sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo sa Gibea.
13. Tayo na, sikapin nating makarating sa Gibea o sa Rama, at doon tayo matutulog.”
14. Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin.
15. Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.
16. Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kabundukan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.
17. Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?”
18. Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Betlehem na sakop ng Juda at pauwi na kami sa bahay namin sa kabundukan ng Efraim. Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya.
19. May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.”
20. Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.”
21. Kaya sumama sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.