Hukom 19:14-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin.

15. Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.

16. Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kabundukan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.

17. Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?”

18. Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Betlehem na sakop ng Juda at pauwi na kami sa bahay namin sa kabundukan ng Efraim. Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya.

19. May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.”

20. Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.”

21. Kaya sumama sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.

22. Habang nagkakasayahan sila, biglang pinaligiran ng masasamang tao ang bahay, at kinalabog ang pintuan. Sinisigawan nila ang matandang may-ari ng bahay, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.”

23. Sumagot ang matanda, “Bisita ko siya, kaya huwag nʼyo siyang gawan ng marumi at kahiya-hiyang bagay.

24. Kung gusto nʼyo, ang anak kong dalaga na lang at ang asawa ng lalaking ito ang ibibigay ko sa inyo. Gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa kanila, huwag lang ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay sa bisita ko.”

25. Hindi nakinig ang mga tao sa kanya, kaya pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag siyang pinagsamantalahan at inabuso ng mga ito. At nang magbubukang-liwayway na, pinaalis nila ang asawa ng Levita.

26. Bumalik ang babae sa bahay na tinutuluyan ng kanyang asawa. Natumba siya sa pintuan at doon na siya sinikatan ng araw.

27. Nang umagang iyon, bumangon ang kanyang asawa. Binuksan nito ang pintuan para umalis na, at nakita niya ang asawa niyang nakahandusay at ang kamay nito ay nakaunat pa sa pintuan.

28. Sinabi ng Levita, “Bangon na dahil uuwi na tayo.” Pero patay na pala ang babae, kaya ikinarga niya ang bangkay sa kanyang asno at umalis.

29. Pagdating niya sa kanila, pinagputol-putol niya sa 12 bahagi ang bangkay ng kanyang asawa at ipinadala sa 12 lahi ng Israel.

30. Sinabi ng lahat ng nakakita nito, “Wala pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto. Ano kaya ang mabuti nating gawin?”

Hukom 19