Hukom 18:13-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kabundukan ng Efraim.

14. Pagkatapos, ang limang lalaking iyon na nagmanman sa Laish ay nagsabi sa mga kasama nila, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may espesyal na damit ng pari, may dios-diosan na nababalutan ng pilak, at iba pang dios-diosan. Ano kaya ang dapat nating gawin?”

15. Matapos nilang magdesisyon kung ano ang gagawin, pumunta sila sa bahay ni Micas at nangumusta sa binatilyong Levita na nakatira roon.

16-17. Habang nakatayo sa pintuan ng lungsod ang pari at ang 600 armadong lalaki na kalahi ni Dan, pumasok ang limang espiya sa bahay ni Micas at kinuha ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak, at ang iba pang dios-diosan.

18. Nang makita ng pari na pinasok ng limang tao ang bahay ni Micas at kinuha ang mga gamit, nagtanong siya sa kanila, “Bakit nʼyo kinukuha iyan?”

19. Sumagot sila, “Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming pari at tagapayo. Ayaw mo bang maging pari ng isang lahi ng Israel kaysa ng isang bahay lang?”

20. Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak at ang iba pang mga dios-diosan, at sumama sa kanila.

21. Habang naglalakad sila, nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga gamit.

22. Hindi pa sila nakakalayo sa bahay ni Micas ay nalaman na ni Micas ang nangyari. Kaya tinipon niya ang mga kapitbahay niya at hinabol nila ang mga kalahi ni Dan.

Hukom 18