Hukom 16:3-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Pero sumiping si Samson sa babae hanggang hatinggabi lang. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron.

4. Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila.

5. Pinuntahan ng limang pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, para maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.”

6. Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?”

7. Sumagot si Samson, “Kung gagapusin ako ng pitong sariwang bagting ng pana, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

8. Nang malaman ito ng mga pinuno ng Filisteo, binigyan nila si Delaila ng pitong sariwang bagting ng pana at iginapos niya si Samson.

9. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali na parang lubid na nadarang sa apoy. Kaya hindi pa rin nila nalaman ang sekreto ng kanyang lakas.

10. Sinabi ni Delaila kay Samson, “Niloko mo lang ako; nagsinungaling ka sa akin. Sige na, ipagtapat mo sa akin kung paano ka maigagapos.”

11. Sinabi ni Samson, “Kapag naigapos ako ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

12. Kaya kumuha si Delaila ng bagong lubid na hindi pa nagagamit at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali sa kanyang braso na parang sinulid lang.

13. Kaya sinabing muli ni Delaila kay Samson, “Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako at nagsisinungaling ka. Sige na, ipagtapat mo na kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kung itatali mo ng pitong tirintas ang buhok ko sa teral at ipinulupot sa isang tulos, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

14. Kaya nang nakatulog si Samson, itinali ni Delaila ng pitong tirintas ang buhok ni Samson sa teral, at sumigaw agad, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Nagising si Samson at mabilis niyang tinanggal ang buhok niya sa teral.

Hukom 16