Hukom 16:23-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

23. Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo para magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang dios na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng dios natin laban sa kalaban nating si Samson.”

24-25. Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson para magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas si Samson sa bilangguan. At nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang dios. Sinabi nila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban na nangwasak sa lupain natin at pumatay ng marami sa atin.” Pinatayo nila si Samson sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan.

26. Sinabi ni Samson sa utusan na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito para makasandal ako.”

27. Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may 3,000 tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson.

28. Nanalangin si Samson, “O Panginoong Dios, alalahanin nʼyo po ako. Kung maaari, ibalik nʼyo po ang lakas ko kahit minsan pa para makaganti po ako sa mga Filisteo sa pagdukit nila sa mga mata ko.”

Hukom 16