Hukom 16:20-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng Panginoon.

21. Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo.

22. Pero unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok.

23. Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo para magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang dios na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng dios natin laban sa kalaban nating si Samson.”

24-25. Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson para magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas si Samson sa bilangguan. At nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang dios. Sinabi nila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban na nangwasak sa lupain natin at pumatay ng marami sa atin.” Pinatayo nila si Samson sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan.

26. Sinabi ni Samson sa utusan na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito para makasandal ako.”

27. Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may 3,000 tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson.

Hukom 16