16. Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito.
17. Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Dios bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
18. Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila.
19. Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila.
20. Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng Panginoon.
21. Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo.
22. Pero unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok.
23. Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo para magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang dios na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng dios natin laban sa kalaban nating si Samson.”
24-25. Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson para magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas si Samson sa bilangguan. At nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang dios. Sinabi nila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban na nangwasak sa lupain natin at pumatay ng marami sa atin.” Pinatayo nila si Samson sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan.
26. Sinabi ni Samson sa utusan na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito para makasandal ako.”
27. Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may 3,000 tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson.
28. Nanalangin si Samson, “O Panginoong Dios, alalahanin nʼyo po ako. Kung maaari, ibalik nʼyo po ang lakas ko kahit minsan pa para makaganti po ako sa mga Filisteo sa pagdukit nila sa mga mata ko.”
29. Kumapit si Samson sa dalawang haliging nasa gitna ng templo na nakatukod sa bubungan nito. Ang kanan niyang kamay ay nasa isang haligi at ang kaliwa naman ay nasa kabilang haligi.
30. Pagkatapos, sumigaw siya, “Mamamatay akong kasama ng mga Filisteo!” At itinulak niya ang dalawang haligi nang buong lakas at gumuho ang templo at nabagsakan ang mga pinuno at ang lahat ng tao roon. Mas maraming tao ang napatay ni Samson sa panahong iyon kaysa noong nabubuhay pa siya.
31. Ang bangkay ni Samson ay kinuha ng mga kapatid at kamag-anak niya at inilibing sa pinaglibingan ng ama niyang si Manoa, doon sa gitna ng Zora at Estaol. Pinamunuan ni Samson ang Israel sa loob ng 20 taon.