3. Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumama sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy.
4. Nang panahong iyon, naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita.
5. Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob.
6. Sinabi nila, “Pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Ammonita.”
7. Pero sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?”
8. Pero sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumama ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.”
9. Sumagot si Jefta, “Kung sasama ako sa labanan at pagtagumpayin ako ng Panginoon, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?”
10. Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno. Ang Panginoon ang saksi namin.”
11. Kaya sumama si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon, sinabi ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.
12. Nagsugo si Jefta ng mga mensahero para itanong sa hari ng mga Ammonita kung bakit nilulusob nila ang Israel.
13. Ito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Egipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Arnon hanggang sa Jabok, papunta sa Ilog ng Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang maayos.”
14. Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Ammonita
15. para sabihin, “Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Ammon.
16. Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kadesh.
17. “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kadesh.