Hukom 1:27-36 Ang Salita ng Dios (ASND)

27. Hindi itinaboy ng lahi ni Manase ang mga nakatira sa Bet Shan, Taanac, Dor, Ibleam, Megido, at ang mga bayan sa paligid ng mga ito dahil determinado ang mga Cananeo na huwag umalis sa lupaing iyon.

28. Nang naging makapangyarihan na ang mga Israelita, pinilit nila ang mga Cananeo na magtrabaho para sa kanila, pero hindi nila itinaboy ang mga ito.

29. Hindi rin itinaboy ng lahi ni Efraim ang mga nakatira sa Gezer. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila.

30. Hindi rin itinaboy ng lahi ni Zebulun ang mga Cananeo na naninirahan sa mga lungsod ng Kitron at Nahalol. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

31. Hindi rin itinaboy ng lahi ni Asher ang mga nakatira sa Aco, Sidon, Aczib, Helba, Afek at Rehob.

32. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo roon kasama ng lahi ni Asher.

33. Hindi rin itinaboy ng lahi ni Naftali ang mga nakatira sa Bet Shemesh at Bet Anat. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama ng lahi ni Naftali. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

34. Hindi naman pinahintulutan ng mga Amoreo na tumira sa kapatagan ang mga lahi ni Dan, kaya nanatili na lamang sila sa kabundukan.

35. Determinado ang mga Amoreo na huwag umalis sa Bundok ng Heres, Ayalon at Saalbim. Pero nang lumakas ang kapangyarihan ng mga angkan ni Jose, pinilit nila ang mga Amoreo na magtrabaho para sa kanila.

36. Ang hangganan ng lupain ng mga Amoreo ay mula sa Daang Paakyat ng Akrabim at paakyat pa mula sa Sela.

Hukom 1