1. Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, pati na kayong mga pari at sambahayan ng hari, dahil ang hatol na ito ay laban sa inyo: Para kayong bitag, dahil ipinahamak ninyo ang mga mamamayan ng Mizpa at Tabor.
2. Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat.
3. Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyo na mga taga-Israel. Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan kaya naging marumi kayo.
4. “Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Dios. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritung nag-uudyok sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon.
5. Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel kasama ang mga taga-Juda.
6. Maghahandog kayo ng mga tupa, kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa akin. Pero hindi ninyo mararanasan ang presensya ko dahil itinakwil ko na kayo.
7. Nagtaksil kayo sa akin, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.