1. Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin.
2. Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunud-sunod ang patayan.
3. Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop – ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.
4. “Pero walang dapat sisihin at usigin kundi kayong mga pari.
5. Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.
6. “Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang Kautusan ko kaya kalilimutan ko rin ang mga anak ninyo.
7. Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Kaya ang inyong ipinagmamalaki ay gagawin kong kahihiyan.
8. Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan para makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.
9. Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, parurusahan ko rin kayong mga pari. Parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga gawa.
10. Kumakain nga kayo pero hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan para magkaanak kayo. Pero hindi kayo magkakaanak dahil itinakwil ninyo ako