Hoseas 13:1-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. “Noong una, kapag nagsalita ang lahi ni Efraim, nanginginig sa takot ang ibang mga lahi ng Israel dahil tinitingala nila ang lahi ni Efraim. Pero nagkasala ang mga mamamayan nito dahil sumamba sila sa dios-diosang si Baal. Kaya nga namatay sila.

2. Hanggang ngayon, kayo na tinatawag na Efraim ay patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan. Gumagawa kayo ng mga dios-diosan mula sa inyong mga pilak upang sambahin. Pero ang lahat ng ito ay gawa lamang ng tao at ayon lang sa kanyang naisip. Sinasabi pa ninyo na maghahandog kayo ng tao sa mga dios-diosang baka at hahalik sa mga ito.

3. Kaya mawawala kayo gaya ng ulap sa umaga o hamog, o gaya ng ipa sa giikan na tinatangay ng hangin o ng usok na lumalabas sa tsimeneya.

4. “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Wala kayong kikilalaning Dios at Tagapagligtas maliban sa akin.

5. Kinalinga ko kayo roon sa disyerto, sa tuyong lupain.

6. Pero pagkatapos ko kayong pagpalain at paunlarin, naging mapagmataas kayo at kinalimutan na ninyo ako.

9. Pupuksain ko kayong mga taga-Israel dahil ako na nagligtas sa inyo ay kinalaban ninyo.

10-11. Nasaan na ngayon ang mga hari at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy magliligtas sa inyo? Hiningi ninyo sila sa akin sa pag-aakalang maliligtas nila kayo, at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko nga ang mga ito, at dahil din sa galit ko, silaʼy kinuha ko.

12. Hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan ninyo. Para itong kasulatang binalot at itinago.

Hoseas 13