16. Naging pari siya, hindi dahil sa lahi niya ayon sa Kautusan, kundi dahil sa makapangyarihan niyang buhay na walang hanggan.
17. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melkizedek.”
18. Kaya nga pinalitan na ng Dios ang dating Kautusan dahil mahina ito at hindi makakatulong sa atin,
19. sapagkat walang naging matuwid sa paningin ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ito ang dahilan kung bakit tayo binigyan ngayon ng mas mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nitoʼy makakalapit na tayo sa Dios.
20. Mas mabuti ang bagong pag-asang ito dahil nilakipan ito ng Dios ng panunumpa. Hindi siya nanumpa nang gawin niyang mga pari ang lahi ni Levi,
21. pero nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus. Ito ang sinasabi ng Kasulatan:“Sumumpa ang Panginoon na ikaw ay pari magpakailanman. At hindi magbabago ang pasya niya.”
22. Kaya si Jesus ang naging katiyakan natin sa isang mas mabuting kasunduan.
23. Maraming pari noon, dahil kapag namatay ang isa, pinapalitan siya ng isa upang maipagpatuloy ang mga gawain nila bilang mga pari.
24. Ngunit si Jesus ay walang kamatayan, kaya hindi naililipat sa iba ang pagkapari niya.
25. Kaya maililigtas niya nang lubos ang sinumang lumalapit sa Dios sa pamamagitan niya, dahil nabubuhay siya magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
26. Kaya si Jesus ang punong pari na kailangan natin. Banal siya, walang kapintasan, walang kasalanan, hiwalay sa mga makasalanan, at itinaas ng higit pa sa kalangitan.
27. Hindi siya katulad ng ibang punong pari na kailangang maghandog araw-araw para sa kasalanan niya, at pagkatapos, para naman sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay minsan lang naghandog para sa lahat nang ialay niya ang kanyang sarili.