Hebreo 12:4-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan.

5. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:“Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.

6. Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”

7. Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?

8. Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas.

9. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin.

10. Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya.

11. Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

12. Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob.

13. Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas.

14. Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon.

Hebreo 12