Hebreo 11:13-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito.

14. Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan.

15. Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik.

16. Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.

Hebreo 11