Hebreo 10:10-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. At dahil sinunod ni Jesu-Cristo ang kalooban ng Dios, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng sarili niya.

11. Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan.

12. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios.

13. At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya.

14. Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal niya.

15. Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,

16. “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”

17. Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”

18. At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.

19. Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus.

20. Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.

Hebreo 10