1-2. Noong ika-21 ng sumunod na buwan, sinugo ng Panginoon si Propeta Hageo para sabihin kina Zerubabel, Josue, at sa iba pang mga Israelitang nakabalik sa Israel:
3. “Sino sa inyo ang nakakita ng kagandahan noon ng templong ito? Ano ngayon ang tingin ninyo rito kung ihahambing sa dati? Maaaring sabihin ninyo na balewala lang ito.
4. Pero magpakatatag kayo! Ipagpatuloy ninyo ang paggawa ng templo dahil kasama ninyo ako, ang Makapangyarihang Panginoon.
5. Ganito rin ang ipinangako ko sa inyong mga ninuno nang inilabas ko sila sa Egipto. At ngayon, ang aking Espiritu ay mananatiling kasama ninyo, kaya huwag kayong matakot.
6. “Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi na hindi magtatagal ay minsan ko pang yayanigin ang langit at ang mundo, ang lupa at ang dagat.
7. Yayanigin ko ang lahat ng bansa at dadalhin nila rito sa templo ang kanilang mga kayamanan. Kaya mapupuno ang templong ito ng mga mamahaling bagay.
8. Sapagkat ang mga ginto at mga pilak ay akin.
9. Magiging mas maganda ang bagong templo kaysa sa dati. At bibigyan ko ang lugar na ito ng kapayapaan at mabuting kalagayan sa buhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
10. Nang ika-24 ng ikasiyam na buwan, noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius, sinabi ng Panginoon kay Hageo,
11. “Tanungin mo ang mga pari kung ano ang sinasabi ng kautusan tungkol sa bagay na ito:
12. Halimbawa, may isang tao na may dalang sagradong karne sa kanyang damit, at nasagi ito sa tinapay, sabaw, inumin, langis, o anumang pagkain, maaapektuhan ba ang mga ito ng pagkasagrado ng karne?” Sumagot ang mga pari, “Hindi.”