Hagai 2:10-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Nang ika-24 ng ikasiyam na buwan, noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius, sinabi ng Panginoon kay Hageo,

11. “Tanungin mo ang mga pari kung ano ang sinasabi ng kautusan tungkol sa bagay na ito:

12. Halimbawa, may isang tao na may dalang sagradong karne sa kanyang damit, at nasagi ito sa tinapay, sabaw, inumin, langis, o anumang pagkain, maaapektuhan ba ang mga ito ng pagkasagrado ng karne?” Sumagot ang mga pari, “Hindi.”

13. Kaya nagtanong pa si Hageo, “Kung halimbawa, ang mga pagkaing nabanggit ay nasagi ng taong itinuturing na marumi dahil nakahipo siya ng patay, magiging marumi rin ba ang mga pagkaing iyon?” Sumagot ang mga pari “Oo.”

14. Sinabi ni Hageo, “Ganyan din noon ang mga mamamayan ng Israel, sabi ng Panginoon. Noon anuman ang kanilang mga ginawa at mga inihandog ay marumi sa paningin ng Panginoon.

15. Mula ngayon, isipin ninyong mabuti ang mga nangyari sa inyo bago ninyo umpisahan ang pagtatayo ng templo ng Panginoon.

16. Sapagkat noon, kapag pumunta kayo sa mga bunton ng inyong mga trigo na umaasang makakaipon ng mga 20 takal, ang nakukuha ninyo ay sampu lang. At kapag pumunta kayo sa pisaan ng inyong ubas na umaasang makakakuha ng 50 galon, ang nakukuha ninyo ay 20 galon lang.

17. Sinira ng Panginoon ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, peste, at pagpapaulan ng yelo na parang mga bato, pero hindi pa rin kayo nagbalik-loob sa kanya.

18. Ika-24 na araw ngayon ng ikasiyam na buwan, at ngayong araw na ito natapos ang pundasyon ng templo. Tingnan ninyo kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito.

Hagai 2