Genesis 7:13-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila.

14. Kasama rin nila ang lahat ng uri ng hayop: mga lumalakad, gumagapang at lumilipad.

15-16. Ayon sa iniutos ng Dios kay Noe, pinapasok niya sa barko ang bawat pares ng lahat ng uri ng hayop na lumalapit sa kanya. Pagkatapos, isinara ng Panginoon ang barko.

17-18. Walang tigil ang ulan sa mundo sa loob ng 40 araw. Tumaas ang tubig hanggang sa lumutang ang barko.

19. Tumaas pa nang lubusan ang tubig hanggang matakpan ang lahat ng matataas na bundok.

20. At hanggang umabot sa mga pitong metro ang taas ng tubig mula sa tuktok ng pinakamataas na bundok.

21. Kaya namatay ang lahat ng may buhay – ang mga hayop na lumilipad, lumalakad, gumagapang at ang lahat ng tao.

22. Namatay ang lahat ng nabubuhay sa lupa.

23. Nalipol ang lahat ng tao at ang lahat ng hayop sa mundo. Si Noe lang at ang mga kasama niya sa loob ng barko ang hindi namatay.

24. Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.

Genesis 7