Genesis 50:10-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pagdating nila sa giikan sa Atad, malapit sa Ilog ng Jordan, nagluksa sila roon para kay Jacob at labis ang kanilang pag-iyak. Labis ang kalungkutan ni Jose sa loob ng pitong araw para sa kanyang ama.

11. Nang makita ng mga Cananeo ang pagdadalamhati nila sa may giikan sa Atad, sinabi nila “Labis ang pagdadalamhati ng mga Egipcio.” Kaya ang lugar na iyon na malapit sa Ilog ng Jordan ay tinawag na Abel Mizraim.

12. Tinupad ng mga anak ni Jacob ang habilin niya sa kanila.

13. Sapagkat dinala nila ang bangkay nito sa Canaan at inilibing sa kweba na nasa bukid sa Macpela, sa silangan ng Mamre. Binili ni Abraham ang bukid na ito kay Efron na Heteo para gawing libingan.

14. Pagkatapos ng libing, bumalik si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng sumama sa paglilibing.

15. Ngayong patay na ang kanilang ama, sinabi ng mga kapatid ni Jose, “Baka nagkikimkim pa ng galit sa atin si Jose at gumanti siya sa ginawa natin sa kanya.”

16. Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose na nagsasabi, “Nagbilin ang ama natin bago siya mamatay

17. na sabihin sa iyo na patawarin mo kami sa masamang ginawa namin sa iyo. Kaya ngayon, patawarin mo sana kami alang-alang sa Dios ng ating ama.” Nang makarating ang mensahe nila kay Jose, umiyak siya.

18. Hindi nagtagal, pumunta mismo ang mga kapatid niya sa kanya. Pagdating nila, nagpatirapa sila sa harapan niya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi nila, “Handa kaming maging alipin mo.”

19. Pero sumagot si Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sino ako para makialam sa plano ng Dios?

Genesis 50